Muling napatigil ang bansa sa muling pagkakaroon ng tensyon sa Makati dulot ng Magdalo, isa sa mga grupong tumiwalag sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa kanilang kagustuhang mapababa sa puwesto si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mabago ang gobyerno. Pinangunahan ang Magdalo ng dating militar at ngayo’y si Senador Antonio Trillanes. Noong Huwebes, bisperas ng pagdiriwang ng Araw ni Bonifacio, nagulantang ang lahat nang nagsitayuan sina Trillanes at kanyang mga kasamahan papalabas ng Makati RTC. Ang lalong nakapagpataka ay ang paglabas ng husgado, pagkausap sa press at higit sa lahat, pagdating sa Manila Peninsula sa pamamagitan lamang ng paglalakad sa Ayala nang walang sinumang pumigil sa kanila. Matapos nito ay nagpa-press conference ang grupo at dito nila ipinahayag ang kanilang panghihikayat sa pag-aaklas. Nakapalibot naman sa labas ng hotel ang hukbong militar, PNP, at lahat ng sangay panseguridad pati na rin ang medya. Maya-maya ay nagpapasok na sila ng tangke, nagpaputok ng baril at gumamit ng tear gas upang mapasok at mapasuko ang mga nag-aaklas. Sa pagkagat ng dilim ay sumuko na rin ang grupo nina Trillanes at kasabay ng pagsukong ito, ang pagkakaposas naman sa mga mediamen upang sumama rin sila papuntang Camp Crame. Kinalaunan ay inimplementa sa bansa ang curfew mula 12 am hanggang 5 am. At magpasahanggang-ngayon ay nasa custodiya pa rin ng gobyerno ang mga salarin.
Hinahangaan ko ang paninindigan ni Sen. Trillanes dahil kahit sa pangalawang beses na alam niyang mapaparusahan siya, ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang plano na mapababa si PGMA sa puwesto kahit pa wala siyang suporta mula sa oposisyon. Ngunit, inaamin kong lubha akong nalungkot pagkat para bang maraming kulang at mali sa kanyang aksyon. Kung susuriing mabuti, maraming loopholes ang mga naganap. Una sa lahat, nakakatawa nga namang isipin na kung aaksyon man sina Trillanes ay para bang wala itong organisadong plano at para bang lahat ay biglaan lamang. Sabihin man nating ito ay biglaan, hindi ba naisip ni Trillanes na sa mga nauna niyang plano ng pag-aklas, mga planong may ispesipikong plano na talaga, di naging maganda ang kinahinatnan? Kung gayon, kung magsasagawa man siya ulit, hindi ba dapat ay maging maayos na ito? Nakakatawa lang isipin na para bang ang nangyari ngayon ay mas malala pa sa kanyang mga naunang plano, na para bang wala talaga itong nagawang impact sa mamamayan. Pangalawang puntos ay ang kapansin-pansing pag-overkill ng gobyerno kina Trillanes. Kitang-kita naman na ang mga kasama ni Trillanes ay sadyang di sing-brusko ng mga opisyal ng pamahalaan kung kaya’t walang hustisya ang pagtratong natanggap nina Trillanes. Isa pang kawalang hustisya ay ang pagposas sa mga taga-medya sa kadahilanang may ilang mga Magdalo ang nakapuslit dahil sa pagkukunwaring medya. Kung kumpleto pa sa tangke at kagamitan ang puwersang ipinadala ng gobyerno, paanong ang paisa-isang mga Magdalo ay nakapuslit pa sa kanila? At bukod pa rito, bakit pa kinailangang maganap ang tensyon sa Manila Peninsula at hindi agad ito naresolbahan noong malapit pa sa Makati RTC o nasa Ayala si Trillanes? Kung totoo ngang may intelligence report na ang gobyerno na magaganap ang tensyon sa Makati, hindi ba naaksyunan ng intelligence na ito ang isang aktwal na tawag mula sa Makati RTC ukol sa pag-wawalk-out nina Trillanes?
Noong rehimen ni Marcos, kilala ang salitang “Moro-Moro”. Isa itong uri ng drama sa teatro na ginamit na deskripsyon sa magkakasunod na marahas na pangyayaring diumano’y bahagi lamang ng plano ni Marcos upang maipagpatuloy ang Batas Militar. Nakakalungkot mang pagdudahan ang paninindigan ng ating mga hinalal na opisyal, sino nga ba namang hindi makakaisip na baka naman lahat ng pangyayaring ito ay parang isang “pagsasadula” rin tulad ng lahat ng naganap dati? Sa takbo ng pulitika natin ngayon, sino na nga ba ang dapat paniwalaan? Ano na nga ba ang katotohanan?
Friday, July 4, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment