Nakakita ka na ba ng asong parang hindi aso?
Kung iniisip mong nababang-aw na yata ako, puwes nagkakamali ka.
Binuhay ni Apolonio “Pol” Medina ang tauhang si Polgas, isang asong mukhang aso pero isip-tao, para sa kanyang tanyag na komik istrip na “Pugad Baboy”. Nilunsad ito bilang isang black and white komik istrip sa pahayagang Philippine Daily Inquirer noong Mayo 18, 1988 at nabigyang- kulay ito noong ika-3 ng Oktubre 2004 sa pang-Linggong isyu ng nasabing pahayagan. Matapos ang apat na taon, ngayon, isa na itong ganap na komiks na talagang inaabangan ng masugid nitong mambabasa.
Bawal ang pikon sa “Pugad Baboy”
Simple lamang ang ibig sabihin ng pangalan nito; “Pugad Baboy” ibig sabihin, pugad ng mga baboy. Ito ay isang tunay na komunidad sa Bulacan, hilaga ng Maynila, bilang isang pugad ng mga baboy dahil sa marami at mababahong babuyan rito. Bukod rito, nabanggit ng lumikha ang kapansin-pansing katabaan ng mga Pilipino. Para sa lumikha, nakakatuwang isipin na may mga nagtatabaang Pilipino sa kabila ng sangkaterbang problema nila. Ngunit bukod sa pisikal na kaanyuan ng mga Pilipino, mas kapansin-pansin ang uri ng satiriko o panunudyo na nakapaloob rito. Tinagurian ang Pugad Baboy na isang “satirikong pampulitikal” o sa madaling salita, pinupuna nito ang kapalpakan ng pamahalaan sa pamamagitan ng komedya o katatawanan. Ipinapakita rito ang mga daing ng mga Pilipino sa gobyerno sa paraang nakakatawa, ngunit masakit rin kung tumama. Kaya nga siguro “Pugad Baboy” ang ipinangalan rito; kasunod sa “Pugad Lawin” kung saan unang narinig ang hibik ng mga Pilipino para sa rebolusyon. Pero hindi lamang gobyerno ang pinupuna rito, maging ang mga likas nang masasamang gawi ng mga Pilipino.
Ang “alaskador” ng Pugad Baboy
Si Apolonio “Pol” Medina ang promotor ng lahat ng kalokohan ng Pugad Baboy gang. Sa unahan ng bawat isyu ng Pugad Baboy, ipinapakita ang maikli niyang talambuhay na ginawang kawili-wili sa pamamagitan ng karikatura at pambibiro niya. Ayon sa istrip, si “Pol” ay isang arkitekto subalit matapos ang dalawang taon niyang pagtatrabaho sa Iraq bilang isang OFW (overseas Filipino worker), naubos ang lahat ng kanyang naipon at nakaramdam ng kagipitan. Noong 1988, nagsimula siyang mag-drowing ng iba’t- ibang kartoon at naisip niyang pagkakitaan ito. Hindi lamang ang mga iginuguhit ni Pol ang may makulay na istorya, maging kanyang mga pakikipagsapalaran ay parang komiks rin. Sa paghahanap niya sa Manila Bulletin sa Intramuros, Maynila, naligaw siya at napagpasiyahang magtanong sa isang tambay doon. Nagtanong siya ngunit kahit ang tambay ay hindi sigurado kung tama ba ang binibigay niyang direksyon kay Pol. Sumunod pa rin si Pol ngunit imbes na mapunta sa Manila Bulletin, narating niya ang Philippine Daily Inquirer na mahigpit pang kalaban ng naunang nabanggit na pahayagan. Maluwag namang tinanggap ng Inquirer ang komik istrip ni Pol at magpasahanggang-ngayon ay tinatangkilik pa rin ang kahanga-hangang niyang talento. Ipinanganak si Pol noong 1960 at noong 1962, nakita ang kanyang talento sa pagguhit. At ang lahat ng sumunod na naganap ay bahagi na ng kasaysayan.
Ang mga Kakuntsaba ni Pol
Ayon sa testimonya ng lumikha, ang mga tauhan sa kanyang komik istrip ay hango sa napapansin niya sa tunay na buhay. Kaya nga nagsilbi ang kanyang komiks na repleksyon ng buhay ng mga Pilipino sa loob ng humigit- kumulang apat na taon. Narito ang listahan ng mga karikaturang binigyang- buhay ni Pol at nagbigay- buhay sa mambabasa dahil sa pambibiro nilang puno ng katuturan.
Si Polgas. Siya ang bida ng buong komik istrip. Ang pangalan niya ay mula sa salitang “pulgas” ng aso. Tinagurian siyang “ang asong hindi”, superdog, at dobermaxx. Ang kanyang “pag-iisip na parang tao” ay nag-ugat sa paglamon niya ng “misteryosong bibingka” ng kanyang amo at ang radiation na nakuha niya mula sa panonood ng telebisyon. Nagiging aso pa rin naman siya kahit papaano, ngunit depende ito kung kalian niya gustuhin. Dahil sa mala-tao niyang pag-iisip at pagkilos, kinuha siya ng isang kunwari’y ahensya ng militar na OCB o Organized Canine Bureau na binuo upang tuligsain at kontrolin ang pagbebenta ng mga askal (asong-kalye) upang maging pulutan. Dahil dito, tinawag siyang wisedog at nang kalaunan ay tinawag din siyang dobermaxx nang aksidenteng maipadala siya at ang mga resident eng Pugad Baboy sa taong 2078. Marami pang aliyas si Polgas na bahagi na rin ng panggagaya sa ilang sikat na pangalan. Halimbawa nito ang mga: Amorsolo na kunwari’y isang di nakilalang miyembro ng Ninja Turtles, Aquapol na hango kay Aquaman, Growlsbuster na panggagaya sa sikat na Ghostbusters, at marami pang iba.
Ang pamilyang Sungcal. Repleksyon ito ng tipikal na pamilyang Pilipino at ito ang may-ari sa wisedog na si Polgas.
Si Mang Dagul. Siya ang padre de pamilya na isang kusinero sa isang five star hotel. Lagi siayng binibiro dahil sa kanyang malaking tiyan dahil sa pagiging manginginom at dahil sa napapanot niyang ulo. Siya ang “Sweet Ham” ng kanyang asawang si Debbie.
Si Debbie. Siya ang ilaw ng tahanan ng mga Sungcal at mahilig siya sa shopping kaya laging butas ang bulsa ni Mang Dagul. Tinatawag siyang “Honeycured” ng kanyang asawa.
Si Tiny. Kabaligtaran ng kanyang pangalan, siya ang napakalaki at napakatabang babaeng anak ni Mang Dagul. Lagi niyang sinasabi na siya ay seksi at may baywang na 28 pulgada kung sa katunayan ay 28 pulgada siya noong siya’y sampung taon pa lamang.
Si Utoy. Siya ang pinakabatang Pugad Baboy. Sa murang edad na walong taong gulang ay sadyang napakatalino niya. Namana niya mula s kanyang ama ang malisyoso niyang pag-iisip.
Si Brosia. Siya ay si Ambrosia Tangara, ang katulong ng pamilya na mula sa Ginoog, Sorsogon. Simple lang ang deskripsyon sa kanya—walang isip. Lagi niyang katalo ang kanyang among si Mang Dagul.
Ang pamilyang Sabaybunot. Repleksyon ito ng isang marahas ngunit kahit papaano’y matahimik na pamilya.
Si Tomas. Siya ay isang sarhento ng Philippine Air Force. Mahilig siyang maglasing at hilig niyang ipagmayabang ang kanyang baril pero, isa naman siyang under-de-saya sa kanyang asawa.
Si Barbie. Siya ang peministang asawa ni Tomas. At dahil sa pagiging peminista, kinatatakutan siya ng sarhento niyang asawa.
Si Paltik. Siya ang nag-iisang anak ng mag-asawa na mabuting kaibigan ni Utoy. Di tulad ng matalinong si Utoy, isang tunay na alaskador si Paltik. Lagi niyang binibiro ang kanyang gurong si Miss Nobastos na mukhang kabayo.
Ang pamilyang Tang. Repleksyon ito ng pamilyang Tsinoy na naninirahan at nagenenegosyo rito sa Pilipinas kahit pa Tsina ang kanilang bansa. “Sa dami ng populasyon ng mga Intsik maging ang Pilipinas ay nagiging second home na sa kanila”, ayon kay Pol Medina.
Si Mao. Siya ay isang Intsik na nagnenegosyo rito sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang sari- sari store. May dalawang ibig ipahiwatig ang kanyang pangalan: “ma-utang” at “ma-utangan”. Mahilig siyang mangutang lalo na para pampuhunan at lagi rin naman siyang inuutangan lalo na ng mga lasenggerong istambay sa kanilang tindahan.
Si Pao. Siya naman ang bading na anak ni Mao. Bestpren niya si Tiny at sadyang bading na bading ang kanyang pagkilos. Nagmamay-ari siya ng isang beauty parlor.
Ang pamilyang Lamouns. Mula ito sa salitang “lamon” na ang ibig sabihin ay lumamon o kumain ng napakarami. Mula sa salita, ang hilig ng pamilyang ito ay iisa—ang paglamon.
Si Bab. Siya ang lutang na lutang na tauhan mula sa pamilyang Lamouns. Isa siyang tamad, walang pakinabang, walang kuwenta ngunit nakakatawang tauhan na patay na patay kay Tiny. Lagi siyang bigo sa kanyang pag-ibig ngunit pagminsan ay nagtatagumpay rin siya, ‘yun nga lang pagkatapos ng dalawang segundo nang sagutin siya ni Tiny ay busted na naman siya.
Sa mga Magiging Adik sa Pugad Baboy
Ang Pugad Baboy ay parang isang joke book; kahit corny, hindi mo pa rin maiiwasang matawa. Ang uri ng pambibiro dito ay naiiba dahil sa may katuturan nitong mga biro. Kahit na minsan may pagka-green ito, napapanatili pa rin nito ang aral na nakapaloob rito—ang pagpapahalaga sa moralidad ng tao, kung ano ang mga obligasyon ng gobyerno at karapatan ng mga mamamayan. Nakakatawa ang nilalaman nito ngunit sadyang ginawa ito upang tumuligsa sa isang kawili-wiling paraan. Ika nga nila, ginawa ito hango sa mga kilala nating “kuwentong barbero”. Mga nakakatawang kuwento na may malakas na patama sa mga nagkamali. Hindi masamang pagtawanan ang pagkakakmali kung minsan. Sa katunayan, mas maganda ngang pagtawanan ito upang habambuhay ay manatili itong aral para sa atin, para hindi na natin ito muling ulitin. Dahil sa masayahing kalikasan nito, tinangkilik ito ng napakaraming mambabasa at naging matagumpay naman si Pol Medina, ang lumikha, sa paghahatid ng daing ng mga Pilipino nang walang nagbabadyang pagluha.
Friday, July 4, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment