Ang JPEPA o Japan-Philippines Economic Partnership Agreement ay isang kasunduang pangkalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Japan. Layunin nitong matiyak na ang eksport ng serbisyo at produktong agrikutural ng bansa ay tatangkilikin ng bansang Japan. Malaki ang tulong nito upang mapaunlad ang industriya ng eksport sa ating bansa at mapagyabong ang produksyon at agrikultura. Sa punto-de-bista ng mga ekonomista, malaki ang tulong nito upang mapataas ang GNP ng bansa para sa mas malagong ekonomiya. Ngunit ang mga pribilehiyong hatid ng JPEPA ay may kakambal na kamalasan rin pala. Nasasaad rin sa kasunduang ito, na ang Pilipinas ang magsisilbing tambakan ng mapanganib at nakalalasong basurang galing sa mga industriya, pabrika, ospital at mga bayan ng Japan. Kapalit pala ng isang pangako ng pag-unlad ng ekonomiya ay ang pagiging dumpsite ng ating bansa, na sa kasalukuyan nga ay nakakararanas na rin agad ng mga problema sa basura. Dahil sa pangangampanya ng mga environmentalist, kahit papaano’y hindi natuloy ang pagsasakatuparan ng JPEPA. Ngunit, ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, pinuno ng Foreign Affairs Committee ng Senado, anumang oras ay maaaring ibalik muli ang proposisyon ukol sa JPEPA sa Hulyo, kasabay ng pagkakahalal sa mga bagong senador ng bansa.
Maganda ang mga pangakong binitawan ng JPEPA para sa kaunlaran ng bansa. Sa katunayan, isa itong paraaan upang makapaghain ng mas maraming trabaho ang gobyerno para sa mga tao, nang sa gayo’y maresolbahan na ang isyu ukol sa kawalan ng trabaho. Ngunit, napakalaking kasalanan naman sa bansa ang pagpapatupad nito. Isipin na lamang natin, papayag ba tayong maging basurahan na lamang ng ibang bansa? Ang masama pa nito, aanhin ng bansa ang maraming trabaho kung mas nakakararami ang mga bumubuo ng lakas-paggawa na nagkakasakit dulot ng kemikal at nukleyar na basura na hatid ng Japan sa atin? kung ngayon pa nga lang na nagkakaproblema na ang bansa sa paglalagyan ng basura ng mga Pilipino, pihadong mas lalaki ang problema ng bansa kung maaprubahan ang JPEPA.
Napakahalaga ng magandang ekonomiya upang magkaroon ng magandang pamumuhay ang mga Pilipino. Ngunit tatandaan natin na ang teritoryo at ang mamamayan ay mga elemento rin ng estado, at kung wala sila, walang pag-unlad at wala ring saysay ang pag-unlad. Isipin nating mabuti, ang bansang Pilipinas ang magsusuplay ng agrikultural na hilaw na produkto sa Japan; ibig sabihin, sa Pilipinas mismo gagawin at ipoprodyus ang mga i-eeksport sa kanila. Kung ang Pilipinas ay magsisilbing tambakan ng basura sa Japan, magdudulot ito ng napakalaking problema sa produksyon dahil una, limitado na lamang ang lugar ng produksyon, pangalawa, ang nukleyar at kemikal na basura ay nakasama sa kalusugan ng mamamayan kung kaya’t mahina ang lakas-paggawa at mabagal ang produksyon, at pangatlo, may malaking epekto ito sa pagbaba ng kalidad ng produksyon (kontaminado at mahunang mga produkto). Sa ganitong sitwasyon, mapapagtanto ng Japan na ang pangangapital sa atin ay walang silbi at pilit na nilang iuurong ang JPEPA. Natigil man ang JPEPA at marahil nalugi ang mga Hapon sa atin, mas malaking dagok pa rin ito ng kawalan sa ating banda pagkat naiwan tayo sa isang madumi, lugi at mas lalong naghihirap na sitwasyon. Mahihirapan rin tayong makabangon muli pagkat hindi naman mabuti ang kalagayan ng ating mga sangkap pang-produksyon. Sa huli, tayo rin ang talo.
Naalala ko tuloy ang isang kanta, “..sayang rin ang pag-unld kung makakasira ng kalikasan..” Totoo, aanhin pa ang pag-unlad kung wasak na ang sarili nating bansa? O siguro nga mas tamang sabihing, may pagunlad ba sa isang wasak na bansa?
Friday, July 4, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment