Madilim ang buong paligid maliban sa puting ilaw na nakatutok kay Isay. Lahat ng manonood ay nakapako ang tingin sa kanya at wari’y nararamdaman ang nilalaman ng kanyang isip at damdamin. Walang naganap na usapan o kahit monolog ng bida. Maririnig mo lamang ang hikbi niya at mapapansin ang kilos ng kanyang katawan na para bang bawat bahagi ng kanyang katawan at pagkatao ay unti-unting nauupos at nalulunod sa kasawian. Nang biglang sa likod niya, tumawag ang boses ng doctor, “What do you want to change?” At tuluyan nang dumilim ang buong teatro.
Simula nang napanood ko ang dulang Skin Deep, laging dinadalaw ng aking isip ang eksenang ito. Walang palitan ng salita ang naganap ngunit bawat kilos ay naging makahulugan para sa akin. Ang dulang Skin Deep ay istorya ng pitong tao, may kanya-kanyang pagnanais at pangarap sa buhay, na pinagbuklod ng isang beauty center, ang Skin Deep, na nangangakong magpaparamdam sa kanila ng kasiyahang dulot ng pagpapaganda. Ang pitong nanalo ng total makeover hatid ng Skin Deep ay sina Marikit (Bituin Escalante)—isang call center agent na ubod ng taba, si Charleston o Chongo (Red Anderson) na isang banidosong modelo na galing sa probinsya at may problema sa pagsasalita, si Ciso (Robert Seña) na isang mahigpit na asawa at npagkakamalang isang bakla, si Isadora (Isay Alvarez-Seña) na isang mapagmahal na asawa ngunit mahina ang loob, si Pipay (Phil Noble) na isang bading na nagahahanap ng tunay na pag-ibig kahit sa Internet, si Amor de Sangre (May Bayot-de Castro) na halos buong katawan ay isinagawa na sa pagpaparetoke kung kaya’t hindi na naging kaaya-aya ang kanyang hitsura at ang huli ay si Hapunta (Diana Malahay) na inabuso ng kanyang asawa at sinunog ang kanyang buong katawan. Silang lahat ay nasa superbisyon ni Dr Beaumont Batoctol (Rem Zamora) at ang kanyang mga alalay ang mga Ensemble.
Simple lamang ang konsepto ng dula ngunit sadyang makabuluhan ang mga kaisipang ibinahagi nito. Bukod pa rito, nagng maganda ang special effects ng dula na nakatulong upang mapahanga ang mga manonood. Bagamat nagkaroon ng mga special effects na nakapagpakita ng pagiging moderno na ngayon ng mga dula, napanatili pa rin nila ang mga tradisyunal na konsepto tulad ng pag-arte ng mga bida na kunwari’y mga kagamitan sa gym o klung saanman. Ang simpleng pagkakaayos rin nang entablado ay nakatulong upang matutok lamang ang paningin ng manonood sa mga bida dahil walang kung anumang sagabal sa kanilang paningin. Ang kasabihang “less is more” ay sadyang nangibabaw sa kabuuang konsepto ng dula.
Ang layunin ng dula ay upang mabuksan ang isipan ng mamamayan sa isang materyalistikong mundong ating ginagalawan. Wari’y pinapabulaanan ng dula na para bang upang maging masaya ang isang tao kinakailangan niyang maging maganda ang pisikal na kaanyuan. Ipinapaalala nito na ang kagandahan ng kaanyuan ay di makakapantay sa kagandahan ng kalooban. Sinasabi rin dito na hindi masamang maghangad ng pagbabago kung ito’y para sa ikabubuti ng tao ngunit dapat lamang na malaman natin ang limitasyon ng ating paghahangad. Ang ganid at labis na paghahangad ay walang maidudulot sa atin kundi masama kung kaya’t sa bawat luhong ating inaasam, dapat pa rin nating ipaalaala sa ating sarili na pansamantala lamang ang mga ito, at ang mas mahalagang pangalagaan ay ang mga pangangailangan at pagkakataong mas makatutulong sa ating upang umunlad ang pagkatao.
Sabi nga sa dula na ayon na rin sa nagwaging Miss Universe noong araw na si Gloia Diaz, “Beauty is skin deep but ugliness is to the bone,” ang kagandahan ay karaniwang sa pisikal na any lamang tumutukoy ngunit para tawagin ang isang taong pangit, di nito ibig sabihin na siya’y pangit sa pisikal na hitsura ngunit ito’y nagpapahiwatig na ang kalooban niya’y sadyang masama at hindi maganda. Huwag nating baguhin ang kahulugan ng kagandahan dahil lamang sa moderno ngunit mapaglinlang nating mundo. Ang kagandahan ay hindi lamang para sa mga may matatangos na ilong, mapuputi at makikinis na balat, payat na pangangatawan, magandang tikas atbp., ngunit ang tunay kagandahan ay makikita sa kabukalan ng kalooban.
Friday, July 4, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment