Friday, July 4, 2008

romulus d'grayt

Nakatutuwang ispin na binuhay ng teatro ang istorya sa pagbagsak ng Roma na matagal nang nakatala sa kasaysayan ng mundo. Subalit bukod sa pagsasadula sa kasaysayan, naging daan rin ito, upang maipakita sa lahat ang magagandang aral na maari nating gamitin upang mapagbuti ang ating pamumuhay sa kasalukuyan at pati na rin sa hinaharap. Lahat ng ito ay pinatotohanan ng tragikomedya ni Dürrenmatt na Romulus D’ Grayt.
Ang Romulus D’ Grayt ay tungkol sa mga pangyayari sa kaharian ng huling emperador ng Roma. Nagsimula ito sa tangka ni Kapitan Ispurio Tito Mamma upang ipaalam kay Emperador Romulus ang pananalakay ng mga Tyuton sa teritoryo ng imperyong Romano. Ngunit, siya naman ay napigilan ng mga alagad ng emperador na sina Piramo at Akiles at pinayuhan siyang mag-intay ng dalawang linggo bago kausapin ang emperador. Kinabukasan, sinabi ng Ministro ng Digmaan na si Tulio Rotundo na nagtatagumpay na ang mga Tyuton sa pagsalakay sa Roma. Kasabay nito, dumating rin ang mga ka-alyansa ng emperador at mga sundalo ng Hukbong Romano upang hingin ang patnubay ni Romulus sa pakikipagdigmaan ng Roma laban sa mga Tyuton. Sa kasamaang palad, pinayuhan lamang sila ng emperador na manahimik na lamang at huwag nang labanan ang mga Tyuton. Naki-eksena rin ang negosyanteng si Cesarup at inalok niya si Romulus ng 10 milyon na makakatulong ng malaki upang maisagip ang Roma kapalit ng pangako ng emperador na ipasusuot niya ang mga pantalon ni Cesarup sa mamamayang Romano at ipapakasal sa kanya ang anak niyang si Rhea na nakatakda nang ikasal sa maharlikang bihag ng mga Tyuton na si Emiliano. Gaano man kalaki at gaano man siya kinukumbinsi ng kanyang asawa na si Julia at bayaw na si Zeno, hindi pa rin pumayag ang emperador. Habang natutulog ang emperador, nagkatipon-tipon ang mga kawani ng kaharian sa kanyang palasyo na halos naging manukan na. Napag-planuhan ng hinalal na Imperial Marshall na si Marte na itakas ang Reyna Julia at Prinsesa Rhea bilang paghahanda sa digmaan. Sa kabilang banda, sinunog naman ng Ministro ng Digmaan na si Tulio Rotundo ang mga mahahalagang papeles ng kaharian. Kasabay nito, dumating naman ang nakatakas na bihag ng mga Tyuton na si Emiliano. Nang malaman niya ang alok ni Cesarup na kasal kapalit ng 10 milyon para sa Roma, inatasan niya si Rhea na magpakasal kay Cesarup. Dahil sa pagmamahal ay pumayag si Rhea ngunit nalaman ito ng emperador at hayagang tinutulan ang pangyayari. Matapos nito, nagkasagutan ang mag-asawang hari at reyna. Nais ng Reyna Julia na kumilos ang emperador upang maligtas ang Roma at ito ay sa pamamagitan ng pagsang-ayon kay Cesarup. Sa kanilang pag-aaway inamin ni Romulus na pinakasalan niya ang Reyna Julia para sa kanyang ambisyon, hndi ang kapangyarihan bilang hari ng Roma kundi upang tuluyan nang ibagsak ang Roma. Ipinahayag ni Romulus na ikinahihiya niya ang kanyang paghahari pagkat natanggap niya ito sa pamamagitan ng digmaan, sa pamamaslang ng kanyang mga alagad at hindi dahil karapat-dapat siya rito. Ninanais niyang wasakin ang isang imperyong kumukupkop sa korupsyon at karahasan. Pagkatapos nito ay pumasok naman sa silid ang anak niyang si Rhea at napagkuwentuhan nilag mag-ama ang naunsiyaming pag-iibigan ni Rhea at Emiliano. Payo ng emperador sa anak: na unahin niya ang pagmamahal kay Emiliano at hindi ang pagsagip sa Roma. Pagkaalis namn ni rhea ay nagsulputan sina Emiliano, Zeno, Tulio Rotundo, Marte, Ispurio Tito Mamma at kahit ang kusinerong si Quasiwalang Modo upang isagawa ang balak nilang asasinasyon kay Emperador Romulus. Naawat naman sila sa pagdating ng mga Tyuton. Kinabukasan ay natanggap ng emperador ang balita na ang bansa ng Reyna Julia at Prinsesa Rhea at ng mga kasama nila sa pagtakas sa Alexandria ay lumubog at lahat sila ay namatay. Dahil dito, tinanggap ng emperador ang nakahrap sa kanyang kamatayan sa pagdating ng mga Tyuton. Ngunit nang dumating ang mga Tyuton, naging kaibigan pa ito ni Romulus dahil mahilig rin ang emperador ng Tyuton na si Odoakro na mag-alaga ng manok. Ang akala ng emperador na papatayin siya ni Odoakro ay hindi nagkatotoo pagkat siya ay nag-iisip na isuko ang pamumuno sa mga Tyuton kay Romulus dahil ayaw niyang pagharian ang isang marahas na Imperyo. Sa huli, nabuhay si emperador Romulus at ipinasa niya ang kanyang kaharian kay Odoakro at nagretiro kasama ng itlog ng kanyang mga manok.
Noong una, inakala kong isang hindi mabuting hari si Romulus. Para sa akin, kasakiman ang pagwawalang-bahala niya habang ang kanyang imperyo ay tuluyan nang nahuhulog sa kamay ng kanilang kalaban. Ngunit nang ipaliwanag niya ang kanyang paniniwala, unti-unti ko siyang naintindihan. Ang tunay na pagmamahal pala sa bayan ay hindi nagpapahiwatig na ibibigay ng isang mamamayan ang kanyang buong buhay ara sa kanyang bayan. Ang tuany na pagmamahal ay tungkol sa pakikipaglaban paea sa kug ano ang tama ara sa bayan. Hindi pala lahat ng pagsasakripisyo sa bayan ay isang halimbawa ng kabayanihan.
Marahil marami rin ang hindi nakaintindi sa pananaw ni Emperador Romulus noong una. Kung iispin nga naman, hindi tama na unahi ang pansariling interes kaysa sa interes ng bayan. Ngunit, nakita ko rin na tama ang pananaw ni Romulus. Hindi nga naman nararapat na hayaan niyang manatili pa sa mundo ang ugat ng karahasan. Nasabi nga ng emperador na ang “Romar ang sumira sa kanayng sarili.” Naging pugad ng karahasan, korupsyon, kasakiman, ganid at panlalamang ang Roma at di karapat-dapat na ipaglaban pa ang isang bayang kasamaan lamang naman pala nag pinapanigan. Sa kabila nito, inamin rin naman ni Romulus na hindi rin tama ang pagsira niya sa Roma. Dahil sa digmaan, marami ring pamilya ang nawalan ng mga ama, ng tirahan, ng hanapbuhay at ng buhay. Ngunit para sa kanya, kung ito lamang ang tanging paraan upang mailigtas ang mundo mula sa karahasan ay gagawin niya.
Minsang naikatwiran ni Zeno sa emperador na ang Roma ang mundo at sa pagunaw ng Roma ay pagunaw rin ng mundo. Sagot naman sa kanya ng emperador na ang Roma ay isa lamang alikabok ng mundo at hindi matatapos ang mundo sa pagbagsak ng Roma, patuloy pa rin ang mundo sa pag-inog. May katwiran ang nasabing ito ng emperador. Ang mundo ay hindi lamang sa Imperyong Romano nakatutok. Marami pang mas mahahalagang bagay ang nararapat bigyan ng pansin kaysa sa pamumulitika. Higit na mas mahalaga ang mamamayan kaysa sa bayan pagkat ang tao ang siyang bumubuhay sa bayan. Kung ang bayan sa palalo lamang, nararapat lamang na wakasan ang kasakiman nito pagkat ito ang mas makabubuti sa mamamayan, na siyang pinakamahlagang elemento ng estado.
Kung ikukumpara natin ang Roma sa kasalukuyang panahon, masasabi natin na sa kabila ng pagkakaiba ng taon at pag-iisip ng tao, halos kapareha nito ang nangyayari sa atin ngayon. Ika nga nila, “History repeats itself.” Isang kabalintunaan ang pagmamahal ng ating mga halal na opisyal para sa bayan. Sa kasalukuyan, masyado silang nakatutok sa pamumulitika sa layunin nila na “mapagbuti ang kalagayan ng bayan.” Dahil tuloy rito, nakakalimutan pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang kapakanan at pamumuhay ng mamamayan. Bukod pa rito, unti-unti ay natutulad na rin tayo sa Roma. Mas malaki ang ginugugol na badyet ng gobyerno sa kagamitang at depensang militar ng bansa kaysa sa agrikultura at pagkain na pangunahing pangngailangan ng mamamayan. Unti-unti rin ay nilalamon na ng korupsyon ang ating bayan. Kung kaya’t nalulubog tayo sa mga utang, maging ang mga sanggol na Pilipino na hindi pa naipapanganak ay may utang na.
Kung ganito ang mga pangyayari, aantayin pa ba nating humantong tayo sa pagbagsak ng ating lahi o babaguhin na agad natin ang ating masasamang gawi?

No comments: