Tinatayang 85,000 katao ang nagtungo sa Makati upang sumali sa Interfaith Rally noong Biyernes. May tema ang Interfaith Rally na “Manindigan Para sa Katotohanan, Katarungan at Pagbabago” at layunin nitong maipahayag sa nakaupong Pangulo na wala na sa kanya ang tiwala ng mamamayang nagluklok sa kanya sa posisyon dahil hindi niya pinahalagahan ang pag-iral ng katotohanan, katarungan at malinis na pamamahala. Sa Interfaith Rally, walang pulitiko ang inaasahang magsalita sa mga rallyista ngunit bilang punong-lungsod ng Makati at ng UNO (United Opposition), nagbigay ng mensahe si Jejomar Binay. Kasunod nito, nagsipagbigay na rin ng mensahe sina Joseph Ejercito Estrada at Corazon Aquino na parehong dismayado sa ikinikilos ng pangulo natin ngayon. Ang pinakamahalagang kaganapan sa Rally ay ang pagsasalita ni Jun Lozada sa publiko na talaga namang nag-iwan ng mahahalaga at nakahihikayat na kaisipan.
Inaamin kong hindi ako nakapunta sa Rally dahil may mga kailangan akong gawin para sa aking mga magulang noong Biyernes at may Rally man o wala ay plano ko talagang hindi pumasok ng eskwelahan. Ngunit nais ko talagang makiisa sa Rally na magaganap. Nais ko ring maipahayag ko ang aking paninidigan para sa katotohanan. Sa totoo lang, marami nang tao ang nagsabi sa akin ng kanilang pagkuwestiyon kung ang rally bang ito ay may patutunguhan. Tanong ng karamihan, “Kung matanggal ba si GMA sa posisyon, sino ba ang mas karapat-daoat na lider?”, “May magbabago ba kung palitan pa si Gloria?” Lubha akong napaisip ng mga tanong na ito na para bang nawawalan na rin ako ng pag-asa.
Pero nang marinig ko sa telebisyon ang panawagan ni Lozada, ani niya, “tayo po ay nagrarally di upang magpatalsik na naman ng pinuno ngunit upang tuluyan nang patalsikin ang bulok na sistema ng ating pamahalaan..” doon ko naisip na kapag itinigil ko ang pag-asa, kapag hinayaan ko na lamang na umiral ang bulok na sistema, ano pa ang mangyayari sa aking mga magiging anak, sa susunod na henerasyon?
Para sa akin, hindi porket hindi agaran ang nakikita nating pagbabago, dapat na tayong mawalan ng pag-asa. Parang sa pagpapalakad ng negosyo—ituring natin na ang ating negosyo ay ang Pilipinas, tayo, mga mamamayan, ang may-ari at ang gobyerno ang itinalaga nating tagapangasiwa o manager, papayag ba tayo na kupit-kupitan lang tayo ng ating manager kahit pa sa palagay naman natin ay sapat na ang ating ibinibigay sa kanya? At sa pagkakataong nasibak na natin siya, ibig sabihin ba nito na dapat na nating itigil ang negosyo dahil sa nagkamali tayo ng nakuhang tagapangasiwa? Mas lugi ata tayo doon dahil hindi man lang naibalik sa atin ang pag-asang ating naikapital.
Inaamin ko, napapgod rin akong umasa lalo pa’t parang wala talagang nangyayari pero kung ang lahat ng tao ay mapapagod ring umasa na tulad ko, hindi kaya lalong mas walang mangayayri sa atin?
Nakakatuwa na nagkakaisa ang mga pribadong sektor at mga unibersidad sa pagsibak sa katiwalian. Malaki ang naitutulong nito sa pagpapaalab ng natutulog na damdamin ng mga tao. Nakakalungkot lamang dahil marami pa rin ang pagod at tulog. Sa katunayan, mas pabor pa sa kanila ang magsawalang kibo na lamang na panlilinlang na ginagawa sa kanila. Isang halimbawa ay ang isang status message na nakita ko sa aking listahan sa Yahoo messenger. Ayn sa kanya: “We, Mapuans, are studious. We prefer studying than going to rallies.” Sa inis ko, sinabi ko sa kanya: “Nice shout-out. Soo Passive. Nakakahiya. Pilipino pa man din kayong naturingan.” At binura ko na rin siya sa listahan ko. Kung nakausap ko lang siya sa personal, marahil nasabi kong hindi sa loob lamang ng silid-aralan nakakakuha ng kaalaman. Una sa lahat, ang mga itinuturo sa atin sa eskwela ay wala pa sa kalingkingan ng makikita natin sa tunay na buhay. Hindi sapat na nalaman lamang natin o narinig o nabasa, dahil ang karunungan ay makukuha lamang kung nararamdaman at nararanasan. Hindi sapat na maniwala kang mahirap ang Pilipinas dahil sabi ng mga istatistiko dahil hindi naman naranasan ng mga libro na may mga batang kahit may malubhang sakit ay pagala-gala sa Buendia upang mamalimos ng barya o maging barker para may makain, na may mga estudyanteng pumapasok sa prostitusyon dahil kulang ang suweldo nila sa paghuhugas ng pinggan sa mga karinderya, na may mga taxi driver na pinapaghosto at hinahatid pa ang kanilang mga anak sa mga dayuhan magkapera lang o isang pamilyang may anim na anak na nakatira lang sa pinagtagpi-tagping yero sa may Taft. Aanhin pa ang kaalaman kung wala naman tayong karunungan sa paggamit nito?
Siguro nga may malaking dahilan kung bakit nararanasan natin ang lahat ng ito. Sinasabi lang nito sa atin na bilang mga susunod na tagapangasiwa ng ating kinabukasan ng mundo, dapat lamang nating maranasan kung ano ang mga kahihinatnan kung tayo’y manlilinlang o magpapalinlang. Mabuti na rin na nararanasan natin ang mga pagrarally na ito dahil kahit papaano’y nabubuksan ang ating isipan sa kung ano ang mali at ano ang tamang dapat gawin upang iwaksi ito. Walang bagay na nakukuha sa mabilisan, kung gusto talaga natin ng pagbabago, gumawa tayo ng paraan upang baguhin ang lahat at magsimula tayo sa ating sarili. Di magtatagal, makikita rin natin ang pagbabagong ating hinahangad.
Friday, July 4, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment