Friday, July 4, 2008

SONA

Bawat taon, ang pangulo ng bansa ay nagdaraos ng SONA o State of the Nation’s Address upang maipahayag sa bawat mamamayan ng bansa ang kalagayan ng Pilipinas sa lahat ng aspetong mahalaga sa buhay ng mamamayan—pampulitika, panlipunan, pang-ekonomiya, panrelihiyon at marami pang iba. Ito ay mahalaga upang tumalima sa isipan ng bawat mamamayan ang kasalukuyang kalagayan ng bansa at makagawa ang bawat isa ng mga kontribusyong makapagbibigay solusyon sa mga problema ng bawat aspeto o di kaya nama’y makapagpa-ibayo sa mga programang iniukol ng pamhalaan sa pagsasaayos ng bawat aspeto.
Kamakailan ay humarap si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa publiko upang ipahayag sa kanila ang kasalukuyang kalagayan ng bansa. Karamihan sa kanyang mga sinabi ay ukol sa kalgayang panlipunan at pang-ekonomiya ng bansa. Tulad ng dati, pinarangalan niya ang mga taong masasabing huwarang mamamayang Pilipino. Bukod pa dito, ipinagmalaki niya ang mga programa ng pamahalaan na ayon sa kanya ay nakatulong sa maraming Pilipino. Kasabay nito ay pinapurihan din niya ang mga kongresista, senador, konsehal o mga kawani ng pamahalaan na sinasabi niyang naging tulay upang makatulong sa mamamayan, sa pamamagitan na rin ng mga programa ng pamahalaan. At sa huli, ipinahayag ng pangulo ang kanyang mga pangakong programa na makakatulog umano sa buhay ng bawat Pilipino upang mapaganda nitong lalo ang estado ng kani-kanilang buhay.
Taon-taon ay ganito ang laman ng SONA ng pangulo—ang lahat ng mabubuting bagay na nagawa ng gobyerno upang makamit ang diumano’y magandang kalagayan ng bansa. Kung kukunin ang konteksto ng bawat salitang nakapaloob sa SONA, State of the Nation’s Address, masasabi nga bang ang lahat ng kanyang naipahayag ay ang totoo at kitang-kitang kalagyan ng bansa sa kasalukuyan? Ang lahat nga ba ng sinabi ng pangulo ay ang siyang estado ng pamumuhay natin ngayon bilang mga mamamayan ng Pilipinas?
Bago pa man naganap ang SONA ng pangulo, bukambibig na ng gobyerno ang magandang estado ng ekonomiya ng bansa. Kung kaya’t sa SONA ay isa ito sa mga ipinagmamalaking tagumpay ng gobyerno para sa bansa. Kung iisipin, nadarama nga ba ng bawat mamaman ang sinasabing pag-unlad na ito? Sa katunayan, marami at patuloy pang dumarami ang mga mamamayang walang trabaho o di kaya nama’y nangingibang-bansa upang humanap ng trabaho. Masasabi nga bang ito ang mga patunay ng pag-unlad ng bansa? Marahil ay totoong gumaganda ang ekonomiya ng bansa ngunit masasabi rin kayang ang pag-unlad na ito ay nadarama ng bawat Pilipino? Ibig ipahiwatig lamang nito na ang sinasabing magandang ekonomiya ng ating pangulo ay nadarama lamang ng kakaunti ngunit prominenteng mga tao at sa realidad, hindi balanse ang distribusyon ng pag-unlad na ito. Karamihan pa rin sa mga Pilipino ay nakadarama ng pagkasadlak sa kahirapan dahil sa mga kakulangan ng trabaho na mas matinding batayan ng sinasabing “pag-unald” at hindi lamang ang paglakas ng piso sa dolyar. Kung totoo nga ang sinasabi ng pangulo na ang bansa ay nasa maunlad na estado, bakit kaya marami pa ring naghihirap, walang makain, walang matirahan at nawawalan ng pag-asa sa pag-unlad?
Nakakatawang isipin na hindi talaga kalagayan ng bansa ang nilalaman ng SONA ng pangulo. Kung titingnan, para lamang itong isang pinaka-aabangang patalastas na pumupuri sa lahat ng magagandang ginawa ng gobyerno para sa bansa. Kung gayon, masasabi pa ba nating ito nga ang SONA o pahayag sa tunay na kalagayan ng PIlipinas?

Reference: http://www.inquirer.net/specialreports/sona/view.php?article=20070723-78317&db=1

No comments: